Inilunsad ngayong araw, ika-1 ng Agosto ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ng Magdafil Klab sa temang Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.
Pormal na sinimulan ang programa sa pamamagitan ng Misa ng Pasasalamat sa ganap ng 11:00 ng umaga sa SJ Garden ng College Building. Ito ay pinamunuan ni Monsignor Oscar A. Cadayona. Pagkatapos ng misa, ay nagsagawa din ng blessing at ribbon cutting ng MagdaFil Klab Booth. Ito ay dinaluhan ng mga kasapi ng MagdaFil Klab, mga guro, at ng mga studyante.
Sa dakong alas 3:00 naman ng hapon ay nagpatuloy ang programa sa SJ Garden na nagsimula sa isang maikling dasal ni Ginoong Eric John Malasaga. Sumunod naman ang Pambungad na Salita ni Ginang Leonora P. Gonzales ang tagapayo ng Magdafil Klab. Kasunod naman nito ang mensahe ni Doktora Beverly D. Fernandez, ang Decana ng College of Teacher Education.
Hindi sila nag-aksaya ng panahon at ang bibong Unity Dance ng mga kasapi kasama ang kanilang mga Tagapayo at Decana naman ng Magdafil Klab ang sumunod. Pagkatapos ng maligayang Unity Dance ang siyang pagbibigay ng Sertipiko ng Pagpapahalaga sa mga Dating Officers ng Magdafil Klab taong 2024-2025 na ibinigay ni Ginang Leonora P. Gonzales, MAT-FIL. Pagkatapos ng mga pagtatanghal ay sumunod na ang Laro ng Lahi na siyang nilahukan ng lahat ng miyembro ng Magdafil Klab.
Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng pampinid na salita ng pasasalamat ang pangulo ng MagdaFil Klab na si Ginoong Justin G. Casinao.
“Mabuhay ang Wikang Pilipino! Mabuhay ang Buwan ng Wika 2025!”
_____
Words: Anthony Lompot | The Josephinian
Photos: Matthew Tagra | The Josephinian
Dunstan Louis Angub | The Josephinian